Lubid (Tagalog)

sansaglit
2 min readSep 24, 2020

--

Collaboration with 15 Filipino Writers for suicide awareness month.

Ang gabi ay lumalalim, sa isipan nalulunod.
Ang pagiging anino ay nakakapagod.
Puwang na isipan, maliwanag na buwan.
Manhid na pagkatao, naliligaw na katawan.

Muling naglalakbay sa kawalan
hindi alam kung hanggang kailan,
Ang kanilang mapagpanggap na ngiti;
sa mundo, ‘di alam kung siya’y mananatili.

Tila nalulunod sa pansariling emosyon,
rumaragusgos na tubig mula sa aking
mga mata’y hindi na makaahon.

Mananatiling lihim
ang mga salitang matagal nang kinikimkim
Mananatiling unan lamang ang saksi
sa mga luhang pumapatak at magdamag na paghikbi.

Ang bawat paglusong sa pag-asa ay s’yang pagdapa
sa malawak na kamalayan hindi ko makapa;
Ang pagdarahop ay labis-labis,
tila tanikalang multo ng kasadlakan ang wangis.

Ngunit hindi ang kiliti ng lubid gagapos sa lungkot,
Ni haplos man ng patalim ang puputol sa pagkapagod.
Hindi susuko kahit sobrang hirap na,
magtitiwala sa sarili para makayanan pa.

Hingang malalim, tingin sa langit.
Pangyari ng ulan sa gitna ng sikat ng araw, lalabas ang bahaghari.
Sa dinami-rami ng sugat na hindi pa naghihilom at maipakita
Ngiti at pag-asa pa rin sa mukha ay ipipinta.

Yakapin ang sarili sa gabing nag-iisa
tingin sa langit, wag mawalan ng pag-asa.
Minsan talaga, ‘di alam ang mundo ang pinagdadaanan mo
mga laban na sinusubukan mong ipanalo
kasabay ang pagtulo ng luha mo.

Kaya’t sana’y huwag mong akuin ang lahat ng sakit at pait na nadarama.
Tandaan mong nandiyan siya, na handang damayan ka.
Hindi ka habang buhay nagdurusa,
dahil hindi Niya hahayaang pasanin mo mag-isa ang parusa.

Sabi nila habang may hininga may pag-asa.
Hindi suliranin ang pupuksa sa atin,
Hindi alon ng buhay ang dudurog sa atin.
Parang mga ibon, isang araw tayo ay makakalaya din.

Hayaang ililok ang kintal ng iyong paglaya
sabayan ang indayog ng buhay na maligaya.
Gamiting kalasag ang wika Niya at bisig ng tao sa paligid,
ang madilim ay magliliwanag at maiwawaksi lahat ang balakid

Kaya’t padayon lang aking kaibigan
sa dulo ng daan iyo ring masusumpungan
Sarili mong naiwala at liwanag na nakatampuhan.

Pumapagaspas ka nang nasasabik bumangon
Sa hirap at tukso na dulot sa’yo ng kahapon
Piliin mo na ngayon na maging malaya
Malaya sa pag-ibig at sa tatahaking tadhana.

Hindi ka kailanman nag-iisa
dahil ang Diyos ay lagi mong kasama,
at iyong pakakatandaan
mahalin ang sarili;

Sapagkat ikaw ang aninag ng liwanag,
ikaw rin ang salamin ng dilim.
Ikaw ang natatanging magpapahayag
kung paano tatapusin ang takipsilim.

--

--

sansaglit
sansaglit

Written by sansaglit

IG: 👤 jinpix | 💼 creativeworkspace.dsgn | 🎞️ circa.ii | ✍️sansaglit | 🎨 obratica

No responses yet